top of page
Writer's pictureNerelyn Fabro

Lakbay


The journey of farmers' tiredness poem
The journey of farmers' tiredness poem

Isinalang ang kaldero sa pinaglumaang kalan,

sa papag umupo't, walang nag-imikan,

sa kubong maliit, may naghihintay na tiyan,

ang kinasasabikang kaldero, ano nga ba ang laman?


Suot ang maong at tsinelas na sira,

tumungo sa bukid at sa langit tumingala,

bumuntong-hininga't sa trabaho'y nagsimula,

tanong sa itaas "mayroon nga bang himala?"


Sa tubigan nagtarok kahit ang araw ay tirik,

makaahon sa lugmok, 'yan ang nais makamit.

Palaging sumusubok kahit ang swerte ay galit,

pagod ma'y tumusok, sa tanim pa rin hahalik.


Sa bawat pagkahig, kakarampot ang tuka,

lagi namang nagtitiyaga ngunit kaunti ang nilaga.

Ano nga bang mapapala sa inupahang lupa,

kung sa pagbenta ng tanim, kaunti ang nakukuha.


Mahal ang pataba pati na ang abono,

ngunit kapag binenta ang palay, murang-mura ang presyo.

Limang pisong tubo kada isang kilo,

masusuklian ba ang pagod na inialay nila rito?


Pinagkait ang hiling para sa sariling kapakanan,

ngunit bakit ang bigas ay minamahalan.

Ang pagod at pawis ay hindi nasuklian,

anong iuuwi sa pamilya? Nanghihinang katawan.


Bagamat minamaliit ang trabahong magsasaka,

malaki naman ang tulong sa inyong mga mesa.

Isa lamang naman ang hiling, pagbigyan naman sana,

taasan ang presyo ng palay, para rin sa kanila.


Mahirap maging mahirap kaya't 'wag naman lalong pahirapan,

hindi ba ang bawat isa ay dapat nagtutulungan,

ngunit bakit ang pagtulong ninyo'y lalong paglugmok sa kahirapan.


Ang kinakain ninyong bigas ay mula sa kamay na puno ng kalyo,

sa taong maghapong nagpapagod para magtrabaho,

hindi ba kayo natatakot na baka wala na sila isang bukas?

kaya't hiling na iahon sila para lagi't laging may bigas.


Hangga't may hiling na hindi natutupad,

may taong patuloy na sa kahirapa'y naglalakad.

Silang marunong magtanim ngunit sa kanin ay may problema,

hangga't may pag-asa, may patuloy na aasa.


Luto na pala ang sinaing na kanina'y nasa kaldero,

sa papag umupo't, nag-unahang kumuha ng plato,

tapos na ang paghihintay ng anak na walo,

paano ang kanin bukas? Ah basta "salamat sa araw na 'to."

1 comment

Related Posts

See All

1 Comment


Unknown member
Nov 30, 2021

💛💛💛

Like

Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page