Kakampi ko ang Tula
Parang lumilipad na ibon ang aking pag-iisip‚
ang imahinasyon ko nama’y sumabog na panaginip‚
ang ideya ko’y hinuli pa sa gubat ng salita‚
ang blangko kong papel‚ naging kulungan ng tula.
Ito ang aking droga kapag ang lungkot ay umaatake‚
kapag nagsusulat‚ ang sigla ko’y umaabante‚
nagagawang ngumiti kahit ang paligid ay matamlay‚
kapag hawak ang panulat‚ ang kirot ay namamatay.
Ito ang aking sigarilyo‚ araw-araw kong sisindihan‚
ginagawang adiksyon‚ hindi tinitigilan‚
ang usok nitong tula‚ masisinghot ng karamihan‚
upang maging inspirasyon‚ karamay at kaibigan.
Ito ang aking kahon‚ imbakan ng mga lihim‚
kapag galit‚ nahihiya o umiibig nang malalim‚
dahil ’di lahat ay dapat malakas na isinisiwalat‚
lalo’t kung puwede namang idaan na lang sa sulat.
Ang kyuryusidad ko’y lumalawak na parang karagatan‚
kaya’t naiintriga at nais pang pag-aralan‚
kaya patuloy na magsusulat kahit ano pa ang mangyari‚
dahil ang tula ang kaibigan ko’t mabuting kakampi.
Comments