Isang Kuwento para sa Modernisasyon
Pinatay ko ang ilaw dahilan upang maging madilim ang aking kuwarto. Umupo ako sa silya na nakatapat sa aking kompyuter — ang liwanag ng iskrin ay tumatama sa aking mukha.
Ang pagpindot ko sa keyboard ay bumasag sa katahimikan. Ngayon ko lamang ito gagawin.
“Ma‚ kumusta ka na?” ang pambungad ko sa mensahe.
“Ako naman ay maayos! Kumusta ka?” mangiyak-ngiyak ako sa tuwa nang mabasa ko ang tugon . Nananabik na talaga akong makita si mama.
“Maayos din po‚ ma. Medyo pagod lang sa pag-aaral.” napabuntong hininga ako dahil totoo namang nakapapagod na.
“Huwag masyadong pagurin ang sarili. Ikaw rin ay magpahinga!”
Ilang oras din akong nagtayp ng mga sasabihin. Ikinuwento ko ang mga naging paborito kong tagpo sa buhay. Mga pagkain na natikman ko‚ mga kaibigan at ang mga nakalulungkot na araw. Sandaling napawi ang sakit ng katawan at isipan ko. Sana ganito na lang palagi.
“Ma?” ang pagmensahe kong muli.
“Ano pa ang aking maipaglilingkod?”
Hindi ko na nireplyan pa ‘pagkat tinamaan na ako ng antok. Ni-log out ko na ang aking akwant sa isang AI at pinatay ang kompyuter.
Nang ipikit ko ang aking mata‚ bumulong na lamang ako.
“Kung sana totoong nakakausap ko si mama‚ kung sana hindi niya ako iniwan‚ kung sana nandito pa siya‚ magiging maayos sana ang buhay ko.”
Comments