Isang Beses sa Isang Taon
Isang beses sa isang taon. Ang lahat ay naghihintay sa pagdating ng ”International Day of Happiness.” Mayroon lang kaming isang araw upang maging masaya sa loob ng 365 ‘days.’
Isinumpa kasi ng bathala ang aming planeta. Ang lahat ng mga bagay na aming nakikita ay kulay ‘black and white.’ Bagamat normal kaming nakakikilos at nakagagawa ng mga gawain‚ halos buong panahon naman namin ay ginugol sa pagsimangot‚ lungkot at pagiging matamlay. Hindi kami nakararamdam ng saya‚ ni hindi makangiti. Tila namumuhay kami sa kadiliman.
Sa wakas. Sumapit ang buwan ng Marso. At nang pumatak ang alas dose ng hating gabi‚ ang ‘black and white’ na aming nakikita ay naglaho at biglang nagkaroon ng kulay ang mundo.
Ang aming mga palad ay lumiwanag na rin — senyales ito na matatagpuan namin ang aming kasiyahan kung mahahanap sa paligid ang kapares na kulay sa aming palad. Lahat kami ay namangha at nagsimulang gumuhit ang ngiti.
Ang iba ay masaya na. Si Aling Berta na may kulay berde sa palad ay nahanap ang kasiyahan sa pagtatanim ng halaman. Ang binata naman na si Rex ay may asul sa palad kung kaya’t lumalangoy siya ngayon sa dagat kasama ng iba pa. Si Marie ay may kulay rosas kung kaya’t masaya siya sa mga bulaklak. At ang kulay ng karamihan ay pula kaya sila ngayon ay nagsimulang umibig.
Tumatalon na ang lahat sa kasiyahan. Nalalasing sa tuwa. Dahil sa wakas‚ naranasan muli ang pagngiti. Ngunit hindi ako. Hindi ko pa nahahanap ang kasiyahan na para sa akin.
Kanina ko pa hinahanap ang kapares na kulay sa aking palad — nilibot ko na ang paligid‚ naglakad sa mga bakanteng lote at tumungo sa mga parke ngunit wala akong makita. Umupo muna ako saglit. Bumuntong-hininga. At naalala ko‚ may isang bagay pa nga pala akong hindi natitingnan. Bigla akong nabuhayan ng loob at ngumiti. Tinitigan kong muli ang kulay sa aking palad — kulay puti. Mabilis akong tumingala. Tama‚ kapares ito ng liwanag na nagmumula sa langit — ang kamatayan ngunit may kapayapaan.
Handa na ako.
Comentarios