Isabay sa Pag-Angat
Bayan ko, oh Bayan ko
Tumutulin na iyong pagtakbo
Bumibilis na iyong pag-angat
Ngunit bakit ang liwanag ay hindi sumisikat?
Tanggap naman natin na ang buhay ay hindi talaga patas
Ngunit bakit limitado lang ang nasa itaas?
Hindi naman talaga tayo kailanman magiging pantay-pantay
Ngunit bakit ang iba ay sobra ang dusa para lang mabuhay?
Kapatid, magdahan-dahan ka sa paglalakad sa daan
Lalo na kung ang kasama mo ay kailangan ng kaunting pasan
Hindi maganda ang mauna sa inaakala mong karera
Ngunit hindi rin maganda kung ikaw lang ang nasa linya
Kapatid, ikaw ay bahagi ng bayang umaasenso
Ikaw, tayo, ay nabiyayaan ng sipag at sapat na talino
Ngunit hindi sapat na tayo lang ang may magandang oportunidad
Akayin natin ang wala at baguhin ang masamang realidad
Sa iyong sipag at tiyaga, malaki ang iyong matutulong
Mai-ayo mo ang iyong buhay, mapapabilis ang ikot ng iyong gulong
Magiging masaya ba kapag tumulin ang iyong pagtakbo
Kung ang mga kababayan at kadugo ay bigla na lang naglalaho?
Malinaw ang tingin mo sa iyong adhikaing umangat
Malinaw rin para sayo na plano mong pagsikat
Ngunit para saan mga ito kung ikaw lang aasenso
Aanhin mo ang lahat kung ikaw lang ang tinuring bayan mo?
Walang maliit na tulong sa pagbabahagi mo sa iba
Lalo na kung ang iyong pagtulong ay bukas sa loob at may saya
Walang maliit na bagay at halaga ang nababalewala
Kung pinagsasama-sama lahat ng tulong na binigay sa ating kapwa
Ang ating bayan ay umaasenso ng mabilis sa tulin na 'di inaasahan
Sana sa tulin mo ay sabay ang kababayan nating naiiwan
Huwag mo hangarin na ikaw lang ang masayang nauuna
Nauuna sa kareang walang gabay na ilaw at walang linya
Bayan ko, oh Bayan ko
Tumutulin na iyong pagtakbo
Bumibilis na iyong pag-angat
Ngunit bakit ang liwanag ay hindi sumisikat?
...
First posted on Youtube - Neil Gregori Garen
Comments