Init sa Lamig
Lamig na naman ang namumutawi sa aking kalamnan. Sanay naman ako sa lamig subalit kakaiba itong aking nararamdaman sa kasulukuyan. Mas nakakapanginig at nakakapanindig balahibo na tila ba ang aking katawan ay nakulong daglian sa loob ng isang napakalaking bloke ng yelo.
Isa pa, may pagkatahimik ang paligid pagkat walang gaanong dumadaan ngayong gabi. Ngunit hindi ang akin sikmura na kanina pa tumutunog sa pagkadayukdók habang naka-upo dito sa kalye at nakatitig sa bintana nitong bahay sa aking tapat na may iniihaw na pagkain.
Ganito nalang ginagawa ko tuwing may ganitong okas'yon, ninanamnam na lamang ang mga amoy ng pagkain at tinitiis ang lamig.
Hayst, alam ko naman na anong mayroon ngayon. Sumapit na naman ang Pasko.
Alam kong wala akong mapapala kakatitig dito sa bintana kung kaya tumayo na ako sa aking pwesto at nagtatangkang lumiban. Subalit sa aking pagtayo, biglang sumigid ang aking ulo nang maramdamang may tumama dito.
Agad akong napalingon sa batang nasa aking likod, may hawak siyang maliit na bato. Hindi maipaliwanag na takot ang aking naramdaman, mas'yado na akong gutom para makatakbo. Tanging nagawa ko nalang ay sumiksik dito sa gilid ng labas ng bahay na aking lilisanin sana. Tila nagmamakaawa't sumusuko na ako sa babalakin pang gawin ng bata.
Alam kong makakaranas pa muli ako nang may tatama sa aking katawan kaya umiwas na ako ng tingin sa bata na umambang babatuhin ako.
Ngunit pagkalipas ng ilang segundo, walang tumama sa akin. Ngunit nagulat ako nang umangat ako sa aking pwesto't nakulong sa mainit na yakap ng taong 'di ko kilala.
Maya maya pa'y narinig ko itong nagsalita. Isa pala itong lalaki.
"Hoy bata, masama ang ginawa mo. May nararamdaman din sila." aniya.
Wala na akong narinig pa mula sa bata pagkatapos magsalita nitong bumubuhat sa akin pero nagpupumiglas ako nang mahina nang naglakad siya papasok dito sa bahay na kanina ko pang tinitigan. Inilapag niya ako sa isang tabi.
At gan'on nalang ang tuwa ko nang may lagayan ng pagkain na nakalapag, may lamang iba't ibang putahe na sobrang nakakatakam. Hindi na ako naghintay at agad nilantakan itong nasa aking harapan.
Maya-maya pa'y narinig ko ang lalaki at mga kasama niya dito na sinigaw ng, "Merry Christmas!"
Sinundan naman ito ng lalaki ng, "At ikaw, amin ka na magmula ngayon."
Lumapit siya sa akin at hinaplos ang aking ulo habang ako ay kumakain.
Ibang galak ang aking naramdaman dahil sa mainit nilang pagtanggap sa akin. Hindi na muli ako magtitiis sa malamig na labas at kalye kung kaya sumagot ako.
"Arf! Arf!" at gumalaw nang masigla ang aking buntot.
Bình luận