Inang Kalikasan, Alagaan
Rosas na mahalimuyak sa tainga mo'y isinabit,
ngiti mo'y namukadkad, sa pakiramdam ay langit.
Sa taglay mong alindog, kahit sino'y lalapit,
ang buhay ng nilalang, sa 'yo kumakapit.
Ang mga hayop na munti, sa bisig mo humihimbing,
kung sakaling mamatay, sa 'yo rin ililibing.
Simple lamang ang sa tala ay lagi mong hiling,
sana ika'y manatiling maganda sa bawat paggising.
Oh, inang kalikasan, may preskong paligid,
kung tititigan nang matagal, kahit diyablo'y iibig.
Busog ka sa alaga't ulan na dumidilig,
sa hangin mong binibigay, tamang-tama ang lamig.
Ngunit nang isinilang, taong iresponsable't masama,
iniingatan mong ganda, madali lamang nasira.
Nagusot ang paraiso't bigla kang pinaluha,
nagbunga ang pag-iyak mo't naging delikadong baha.
Usok sa pabrika, sa baga mo pumunta,
kung kaya't ika'y umuubo't nanghihina na.
Sinisipon at nilalagnat sa pabago-bagong klima,
hatid mo ma'y buhay, sukli sayo'y pagkasira ng ganda.
Ibinenta nang mahal ang pinaghuhukay mong yaman,
pinagtatraydor ka kahit ikaw ang sinilangan.
Pinutol ang puno mong nagbibigay ng kalakasan,
malayong-malayo ka na sa dating anyo, oh, inang kalikasan.
Ina naming kalikasan, mabubuhay ka pa kaya?
Kung papatayin ka ng polusyon na anak mo ang may gawa.
Tanging hiling ngayon sa langit at sa mga tala,
sana maibalik pa sa dati, busugin ka sa alaga.
Comments