top of page

Ilan sa mga Hindi Malilimutang Nangyari sa Pilipinas Noong Pandemya

Writer's picture: Michelle LanternoMichelle Lanterno

Ilan sa mga Hindi Malilimutan ng Pilipinas Noong Pandemya

COVID-19 pandemic sa buong mundo, idineklarang tapos na ng World Health Organization. Magandang balita ito lalo sa’ting mga Pinoy dahil hindi na tayo dapat maalarma sa naturang sakit at tuluyang makakabawi ang ating ekonomiya.


Ating balikan ang ilan sa mga hindi malilimutang nangyari sa Pilipinas noong pandemya.



1. Lockdown sa Pilipinas: Tiktok

Habang tila tumigil ang oras sa buong bansa at hindi makalabas sa ating mga tahanan, naging source of happiness ng ilan sa’tin ang social media application na Tiktok. Ilan sa kinagiliwan ang ‘M to the B’ video ni Bella Poarch, Binibining Marikit dance challenge ni Austin Ong at Tala dance challenge mula sa kanta ni Sarah Geronimo. Nakilala rin ang ilang Edu Creators tulad nila Kilimanguru (Medicine), Arshie Larga (Pharmacy), at Jen Barangan (Flight Attendant).


Ngayong 2023, pang-pito ang Pilipinas sa pinaka gumagamit ng Tiktok sa buong mundo. Nasa 43.4 milyong Pilipino o 37.3 porsyento ng ating populasyon ang “Tiktok-crazed” ayon sa report ng DataPortal.



2. Lockdown sa Pilipinas: Face shield

Sino ba naman makalilimot sa face shield? Isa ito sa pinaka-kontrobersyal sa Pilipinas noong pandemya. Iba-iba ang naging reaksyon ng mga Pinoy dito dahil para sa iba, nakatutulong pero abala at dagdag gastos lang sa iba. May ilan ding ‘di sumasang-ayon dito dahil mahirap huminga o makakita lalo na at tropikal ang klima sa Pilipinas. Umabot ng ₱ 100 ang presyo ng mga face shield noong mga unang buwan ng community quarantine at bumaba sa ₱ 20 hanggang ₱ 50 matapos masita ang pagiging overprice ng mga ito.


Ni-require ang pagsusuot ng face shield bukod sa face mask sa pampublikong lugar noong 2020 at natapos din ng 2021.


3. Lockdown sa Pilipinas: Maginhawa Community Pantry

Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan Simple lang ang konsepto ng community pantry na sinimulan ni Ana Patricia Non sa Maginhawa Diliman, Quezon City. Mula sa maliit na bamboo cart na may iilang essential items tulad ng bigas, canned goods, instant goods, face mask at alcohol, dumami ang community pantry sa buong bansa. Pinakita ng community pantry ang pagtutulungan ng bawat Pilipino sa pagkakataon na ito lalo na ang ilan ay nawalan ng trabaho o kabuhayan.


4. Lockdown sa Pilipinas: Lloyd Cadena

Nagulat ang publiko nang pumanaw ang isa sa OG vloggers na si Lloyd Cadena noong Setyembre 2020 dahil sa COVID-19. Kinagiliwan si Lloyd sa kanyang relatable videos tungkol sa “buhay iskwater” at LC Learns. Siya rin ang bumuo sa grupong BNT o Bakla ng Taon, mga kapitbahay at kababata niyang tinulungan bumuo ng sariling vlogging career. Pero kahit na hindi na kapiling ng pamilya at mga kaibigan si Lloyd, pinagpatuloy pa rin nila ang ibang advocacy noong nabubuhay pa tulad ng pamimigay ng school supplies sa mga estudyante at gift giving tuwing pasko.

5. Lockdown sa Pilipinas: Eleksyon 2022

Nakaukit din sa kasaysayan ng ating bansa ang Eleksyon 2022 dahil nasa pandemya tayo ng nangyari ito. Sa kabila ng banta ng COVID-19, naging kabi-kabila pa rin ang pangangampanya ng 10 kandidato para sa Presidente, 9 sa Bise Presidente, 64 sa Senador, 178 sa Party-List at mga lokal na opisyal sa mga lalawigan at lungsod ng bansa.


Nasa 67.4 milyong Pilipino ang nagparehistro para makaboto at 20.02 milyon dito ay kabataang edad 18-29. 82.6% ng mga ito o 55.5 milyong Pilipino ang nakilahok mismo sa araw ng eleksyon noong Mayo 9, 2022.



Nagsimula na ang panibagong kabanata sa buong mundo sa pagtatapos ng pandemya. Nanatili pa rin ang sakit na COVID-19 ngunit natuto na tayong mamuhay kasama ito. Maraming buhay ang nawala ngunit may mga pag-asa ring nabuhay. Unti-unti, makakabalik muli tayo sa naiwang mga pangarap bago harapin ang pandemya.

0 comments

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page