Ikaw At Ako
Ikaw at ako ay pinagtagpo—pinag-isa ng pag-ibig,
kapwa naging hantungan, pahingahan at agapay sa magulo nating daigdig,
naging sumbungan ng hinaing at pagdaramdam dahil sa mapanghusgang paligid,
ikaw at ako ay pinag-isa ng dal'wang singsing sa kabila ng kaliwa't kanang balakid.
Sumpaang pang walang hanggan ay aking panghahawakan,
dumating man ang unos, dagok at pagsubok pangakong hindi kita bibitawan,
sakali mang magdalim na ang daan at hindi na maaninag ang kasiyahan,
narito ako sa'yong tabi sa pagluha ay handa kitang damayan.
Pangako kong magsisilbi akong liwanag at ilaw,
na gagabay sayo upang matunton ang daan sa pagbalik ang aliwalas ng mga ngiti mong namamanglaw,
at kung sakaling manlamig ang dati-rati'y mainit na pagtingin,
handa akong maging kumot mong aakap upang ibalik ang alab ng pagmamahal na minsa'y aking ipinalangin.
留言