i-Witness - Ang kuwento ng Pagpapanggap
Nagtipon-tipon ang tatlong magkakaibigan sa bahay ni Jillian. At dahil nakaisip na naman sila ng kalokohan‚ gagawa na naman sila ng bagong content para sa vlog.
“Tara‚ let’s start na. Berry‚ ihanda mo na ang kumot mo‚ ikaw ang white lady sa vlog na ‘to. Roxy‚ paingayin mo ang mga plato.” Pag-uutos ni Jillian para sa kanilang plano.
Pinatay nila ang mga ilaw. Pumwesto siya sa kaniyang mesa at ang dalawa niyang kaibigan ay naghanda na rin sa gagawin.
“Hello‚ guys‚ welcome to my vlog. Today‚ mag-isa lang ako sa bahay and—” pagpuputol ni Jillian sa sasabihin at dito nagsimula ang pagpapanggap.
“OMG! Ano ‘yung dumaan sa may pinto? Nakita ninyo rin ba na may dumaan?” ang natatakot na pag-akto ni Jillian matapos dumaan ni Berry sa may pinto suot-suot ang puting kumot.
“Hala‚ ano ba ‘yan‚ natatakot na ako.” Ang kunwaring pagpapanik niya habang nanlalaki ang mga mata at nanginginig ang boses.
“Oh my goodness‚ ano ‘yung tumunog?” kunwari siyang nabigla at kinakabahan nang pinaingay na ni Roxy ang mga plato.
“Natatakot na talaga ako‚ titigil ko muna ‘to. Bye‚ guys.” huling salita ni Jillian.
“Hahaha. Ang gagaling natin. Tara‚ i-post na natin sa facebook. Siguradong marami ang mapapaniwala natin.” wika niya.
Tuwang-tuwa sila habang nagbabasa ng mga komento. At nagtagumpay sila sa kanilang plano dahil marami ang sumang-ayon na ito ay totoo. Ngunit nang mabasa nila ang isang komento...
“Grabe nakakatakot! Pansinin ninyo rin sa 2:03 minutes ng video‚ kitang-kita talaga na may batang tumatakbo.”
Sabay-sabay silang nagkatinginan at kinabahan dahil wala naman silang bata na kasama sa bahay.
Comments