Huwag nang magpapahuli

Sa Pilipino ay likas‚ maging huli sa pupuntahan‚
kalmado palagi‚ kilos ay ayaw bilisan.
Hindi agad babangon kung tumunog ang orasan‚
dahil masarap ang matulog sa malambot na unan.
Ngunit sa bawat paglakad ng minuto‚
pagkakataon din ay tumatakbo.
Sa pintuan ng pag-asa‚ tagumpay ay naghihintay‚
Subalit kung mahuhuli‚ baka liwanag ay mamatay.
Ang mga sandaling pinapalampas‚ malabo nang balikan‚
buhay ay karera‚ sa panalo ay mag-uunahan.
Ang tyansa ay minsan lang kung dumaan‚
kaya dapat yakapin habang nasa harapan.
Tagumpay ay mailap‚ nagpapahabol sadya‚
at umiiwas sa mabagal at kulang sa tiyaga.
Kaya sarili’y baguhin para sa kapakanan‚
may magandang dulot sa patutunguhan.
Subukan maging disiplinado at maging responsable‚
upang sa agos ng buhay at hindi mahuli.
Kung nais sa tagumpay ay hindi maging malas‚
marapat simulan sa pagpapahalaga ng oras.
Comments