Huling Pitong Wika ng Diyos: Pagwawagi ng Mahabagin
Tinanggap ko yaong bato ng pang-aalipusta na walang anumang nakatagong pagtitimpi,
bawat daloy ng dugo palabas sa marka ng pasakit ay 'di sagabal sa 'king pagngiti,
pagtapák nila sa 'king pagkatao'y nagbigay lakas sa nangangatog kong binti,
Panginoon, patatawarin ko sila sa mga nagawa nila sa 'kin bilang aking ganti.
Ina, kasinkí ka ng pagmamahal ko sa pinopoong Panginoon at kay Hesu Kristo,
nariyan ka't narito ako sa esperitwal na aspeto na saki'y magpapaahon kasama ang Santo,
nauuhaw ma't dayukdók iring musmós mong anak ay alam mong marami akong baong ginto,
at magaganap na ang bagsik ng kabutihan na ninumang makakabisto.
Ako'y mahabaging nilalang na nagkatawang lupa dito sa mundong nababalot ng 'di kapantayan,
isa ako sa 'yong ginagabayan kahit puspós iring katawan ng kadungisan,
nag-uumapaw ang silakbó't bagabag sa 'king kalooban kahit mayroong orihinal na kasalanan,
tunay na mayroon pa akong takot at laban mula sa nasa kaitas-taasan kahit isa akong batang lansangan.
-- a poem by Colin Cris Celestial
Colin Cris Celestial is an 18-year old writer from Talipan, Pagbilao, Quezon Province.
Comments