Huling Minuto
Nang masdan mo ang 'yong paligid,
mga luha sa malumbay mong mata'y nangilid,
purong puti ang kulay sa bawat sulok,
at ang bigat ng atmospera ang siyang sayo'y sumubok.
Sa ilang minutong mayroon ka,
tinitigan mo isa-isa ang pamilya mong may bahid ng lungkot sa mukha,
kita mo sa kanilang mga mata ang pagkakaroon ng katiting na pag-asa,
ngunit katawan mo na ang ayaw umasa.
Nakakatakot at 'di lang kirot,
kundi may pagod sa katawang ngayo'y sa lamig namamaluktot,
'di na tinanong sa nakatataas ang matinding problemang kinakaharap,
sapagkat tanggap na ang mangyayari sa pagwawakas ng 'yong paghihirap.
Sa paubos na minutong natitira, namayani ang purong takot habang mahigpit ang kapit sa kumot,
pero napalitan ito kalaunan ng pambihirang lungkot habang nakatitig sa pamilyang 'di makakunot,
ang natitirang sama ng loob ay tuluyang binalot ng pagmamahal,
na sana'y maiparamdam pa—ang tanging dasal.
Ang huling minuto ng iyong buhay,
ay tahimik mong iginugol sa kama na kung saan ka nakaratay,
puspós ng masasayang alaala ang 'iyong binabalik-tanaw,
at ang 'yong ngiti ang huling sumilay bago ang segundo ng pagpanaw.
Subalit sa 'di nakakagulat na pangyayari,
pagmulat mo'y nabuhay kang muli,
ang Panginoon sa langit ay 'di ka sinundo,
sapagkat iniluwal ka ng isang Ginang bilang iyong bagong mundo.
Comments