Hinog sa Pilit
Katulad ng bungang bubot, pinilit ang pagkahinog,
Hindi pa man gumugulang, balibang hanggang mahulog.
Sukdulan ang kahirapan, pilit akong niyuyugyog,
Pangarap ko'y susungkitin, kahit pa ako'y mahulog.
Tulad ng batang kalabaw, palaruan ko'y bukirin,
T'wing umagaya'y nagbubungkal, lupaing hindi sa amin.
Sa gabi'y lampara't papel, ang nasa aking paningin,
Susunugin mga kilay, para sa aking mithiiin.
Kasing bagal man ng pagong, hakbang sa aking pag-usad,
Talampakan ma'y mapudpod, sa kahirapa'y sumadsad.
Susulong akong matuwid, sakripisyo'y ilalahad,
Bubunuin ang pasakit, hanggang nais ko'y matupad.
Comments