Hindi Sa Akin
Libro ang ’yong kilay sa kapal ng hibla‚
ang labi mo’y parang rosas na kulay pula‚
ang ngiti mo’y isang sining na tinitingala‚
nang ika’y titigan ko‚ ako’y natulala.
Kakulay ng gabi ang buhok mong maalon‚
ang ganda mo’y nakalulunod ngunit ayokong umahon‚
ikaw ang perlas sa ilalim na nais kong mahawakan‚
kung ika’y maaabot‚ pangakong iingatan.
Parang banayad na musika ang kalmado mong tinig‚
isang awiting walang sawang pakikinggan‚
kaysarap humimbing sa bisig ng ’yong himig‚
kahit may posibilidad na ako'y masaktan.
Ang tulad mong binibini ay mahinhin kung humakbang‚
iniisa-isa ang espasyo ng kalsada‚
kapag ika’y naglalakad‚ ako’y nag-aabang‚
kahit nandito ka na sa harap ko‚ pupunta ka pa sa iba.
Pulido ang ayos ng ’yong mga mata‚
kumikislap ito’t maliwanag pa sa mga tala‚
parang may dalawang diyamante na nakikitira‚
ngunit walang pagtingin sa’kin‚ sa iba ka humahanga.
تعليقات