top of page
  • Writer's pictureNerelyn Fabro

Hindi na ako Seloso


Hindi na ako Seloso (Promise Vow Poem) - Nerelyn Fabro (Young Pilipinas Poetry)
Hindi na ako Seloso (Promise Vow Poem) - Nerelyn Fabro (Young Pilipinas Poetry)

Nagseselos ako sa mga bagay na malapit sa 'yo,

ngunit ngayong ikinakasal na tayo, hindi na ako magiging seloso.


Hindi na ako seloso.

Hindi na ako magseselos sa mga unan na yakap-yakap mo sa gabi

'pagkat kapag nagsimulang dumilim ang kalangitan,

ako na ang iyong makatatabi.

Ako na ang magsisilbi mong unan,

ihahanda ko ang aking braso upang iyong mahigaan,

ako na ang makaririnig sa hilik mo habang natutulog ka nang masarap

sabay halik sa 'yong noo at bubulong ng "naabot ko na ang aking pinangangarap."


Hindi na ako seloso.

Hindi na ako magseselos sa panyo na lagi mong dala,

'pagkat kamay ko na mismo ang dadapo sa 'yong mga mata sandaling umiyak ka,

hahaplusin ko ang 'yong likod, yayakapin ka nang napakahigpit,

tatanungin kita kung "kumusta? ayos ka na ba?"

Palagi kong pagagaanin ang loob mo, pangako, sinta.


Hindi na ako seloso.

Hindi na ako magseselos sa kumot mo

'pagkat katawan ko na mismo ang magiging balabal mo,

yayakapin kita sa oras na ikaw ay manlamig,

susuyuin kita kapag galit ka at nagliligalig.


Hindi na ako seloso.

Hindi na ako magseselos sa salamin na dala mo,

'pagkat ako na mismo ang 'yong magiging salamin,

isang tingin mo sa akin ay malalaman ko ang iyong damdamin.

Malalaman ko ang tinatago mong hinanakit at emosyon

at ako naman itong superhero na agad gagawa ng aksyon.


Makikita ko ang maganda mong mukha kahit magkaroon ka ng tagyawat,

kahit wala kang lipstick at palagi kang puyat,

maaaninagan ko ang natural mong rikit at kahit ano pa ang 'yong mukha,

mamahalin kita, walang makaaawat.

Hindi na ako seloso.

Hindi na ako magseselos sa kape mo

'pagkat oras na magsama tayo

paniguradong ako na ang gigising sa bawat umaga mo.

Hahaplusin ko ang mahaba mong buhok,

hahalikan ka sa noo, hahawakan ko ang malalambot mong palad hanggang sa magising ka.


Hindi na ako seloso.

Bakit pa ako magseselos kung makasasama na kita?

Pangakong hindi kita iiwan dahil paninindigan ko ang aking pagsinta.

Subukin man ng panahon, walang makagigiba sa ating pagsasama,

pupundar tayo ng matibay na pagmamahal,

pangako iyan mahal — pangako, tayo'y magtatagal.

1 comment

Én kommentar


Ukjent medlem
06. jul. 2021

HINDI NA AKO MAGSESELOS💛💛💛

Lik

Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page