Hindi Ka Babae Lang
Ikaw ang katibayan ng pagbangon sa bawat pagbagsak,
tila isang kawayan na lumapat man sa lupa
tutunghay na may galak.
Isa kang araw na nagbibigay ng liwanag,
isang bituin na tinatanaw at pinapangarap,
buwan na gabay kapag naliligaw ng landas.
Babae ka na simbulo ng pag-ibig
kalinisan at pag-unawa,
babaeng hindi nagpapatalo—sa sarili'y nagtitiwala.
Pinatunayan mo ang 'yong kakayahan
sa sariling paraan
hindi nagpaapekto sa salitang "babae ka lang".
Hinahangaan kita sa pagtibag sa pader na nililimitahan ang kakayahan,
hinahangaan kita sa'yong pamamayagpag
sa iyong karera, sa matayog mong paglipad
Sa politika,
sa pag-ibig,
sa propesiyon.
Sa pagiging ina,
sa pagiging kapatid
at kaibigan
Saludo ako sa'yong katatagan,
sa pagiging ikaw
sa pagiging babae na may pagmamahal at buo ang kalooban.
Karapat-dapat ka sa pagmamahal,
pagtanggap at papuri,
hindi ka babae lang na ituturing na pag-aari.
Kamahal-mahal ka,
sa'yong pagiging mahinhin
sa kakulangan ng iyong lakas.
Kamahal-mahal ka,
sa kabiguan at sa'yong dilim
na pinipilit mong makatakas
Katanggap-tanggap ka,
sa kabila ng 'yong kahinaan
at sa mababaw na luha.
Tanggap kita,
sapagkat ikaw ang dahilan ng buhay
kung saan ako nagmula.
Comments