Ronjo Cayetano
Hindi Ako Manunulat Lang
Ang lahat ng manunulat ay may sari-sariling kwento,
Ang bawat istorya at tulang katha ay repleksiyon ng aming pagkatao.
Susi sa pagbubukas ng pusong mayroong kandado,
Nagpapanumbalik ng liwanag sa diwang pundido.
Sa tanong na bakit ako manunulat?
Bakit sa dinami-raming puwedeng kapitan, bakit hawak ko ay panulat?
Isa lang ang kaya kong isagot sa lahat,
Manunulat ako dahil dito ako namulat.
Ito ang nagpamulat sa akin ng kahalagahan ng wika,
Pamana ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa ating bansa.
Dito ako natutong lumago at yumakap sa sarili nating salita,
Tula rin ang sumagip sa akin sa pagkalunod ko sa mga luha.
Manunulat ako hindi lamang para sa pansariling kapakanan,
Isa akong alagad ng sining na handa ring magbahagi ng kaalaman.
Mga kwento ng tagumpay, kabiguan, saya at kalungkutan,
Manunulat ako, hindi manunulat lang—manunulat para ipamulat ang ganda ng buhay na mayroong kagalakan.
...
Young Pilipinas Poetry
Comments