Hiling
Kung ikaw man ang papalarin na umupo sa upuan‚
tumayo ka sanang malakas na boses ng mamamayan.
Kung ikaw man ang hihiranging alkalde ng bayan‚
sana’y ang hangarin mo‘y purong kabutihan.
Kumutan ka sana ng positibong pag-iisip
kapag bumulagta sa iyo ang mga hadlang.
Harapin mo ang agos ng pagsubok,
ang problema sa bayan‚ ‘wag sanang takbuhan lang.
Kung ikaw man ang magwawagi‚ magkaroon ka ng malakas na pandinig‚
yakapin mo ang mga daing‚ mga hinaing at subukan mong makinig.
Lakasan ang ‘yong loob sa tungkulin‚ huwag kang manginginig‚
patunayan mong ikaw ang karapat-dapat na sa bayan ay tumindig.
Kung ikaw man ang mangingibabaw sa puwestong pinag-aagawan‚
huwag ka sanang magbulag-bulagan sa mga isyung panlipunan.
Intindihin mo sanang sabik kami sa pag-unlad noon pa man‚
at kung ikaw man nga ang papalarin‚ ikaw ang aming aasahan.
Sawa na kami sa mga nagdaang dekada‚
sa paulit-ulit na mga plataporma.
Sirain mo sana ang konsepto ng “magaling lang sa umpisa‚”
dahil kung kagaya ka rin nila‚
sa sinasabi ninyong “pagbabago‚” sino ang mag-uumpisa?
...
Young Pilipinas poetry
Comments