Hawak ko ang mundo

Hawak ko ang mundo. At kaya kong kontrolin ang panahon sa pamamagitan lamang ng mga kamay ko.
Pakiramdam ko‚ ako ang pinakamakapangyarihan dahil sa taglay kong laki. Kaya nakaupo ako ngayong pinagmamasdan ang mga maliliit na nilalang na abala sa paghahanap ng pagkain at kaniya-kaniyang buhay. Maganda at kalmado ang panahon ngunit gusto ko silang paglaruan.
Nang makita ko ang dalawang naglalakad bitbit ang butil ng bigas‚ sinimulan ko nang painitin ang paligid. Hindi ako nagkaroon ng awa‚ sinunog ko ang kanilang katawan hanggang sa magtakbuhan na rin ang iba pang nakakita.
Sinubukan nilang iligtas ang kani-kanilang sarili — nagtago sa damuhan‚ sa sirang mga bagay at sa kahuyan ngunit hindi sila nakaligtas sa aking kamay. Tila pinaranas ko sila ng El Niño ngunit mas higit pa roon ‘pagkat direkta ko silang sinusunog hanggang maging abo.
Nang ako ay magsawa sa pagbibigay ng init‚ naisipan ko namang magbigay ng baha. Binuhos ko ang maraming tubig na sapat para malunod sila sa aking kagagawan. Alam kong nilalamig na ang kanilang katawan at sinusubukang humawak sa mga bagay na maaaring pagkapitan. Ngunit walang nakaligtas sapagkat ako ay makapagyarihan.
Susubukan ko pa sana silang paglaruan pero narinig ko na ang pamilyar na boses.
“Kyle! Ano ba‚ kanina pa kita tinatawag. Bitawan mo na nga ang magnifying glass at timba na may tubig‚ kawawa naman ang mga langgam.” ang pagtawag sa akin ng aking ina dahil kakain na kami. Kung kailan namang nag-eenjoy pa ako paglaruan ang panahon ng mga langgam.
Comments