Guhit
Nakalapag sa kulay dilaw na mesa ang isang blangkong papel at lapis na paborito kong gamitin sa tuwing naglalakbay ang aking imahinasyon. Katabi nito ay ang isang kahoy na upuan kung saan ako umuupo. Sinimulan ko na ang pagguhit at kasabay nito ay ang pagtapik sa akin sa likod ng aking ina.
"Anak? Ano iyang iginuguhit mo?" Malumanay na saad niya.
"Ito po ang aking mga kaibigan, inay," wika ko sa kaniya habang itinuturo ang iginuhit kong mga tao sa papel suot ang mga damit na propesyonal.
"Sino-sino naman ang mga iyan?" Tanong niya na tila ba nais niyang isa-isahin ko ang nasa guhit.
"Ito po si Trisha," panimula ko habang itinuturo ang batang nakasuot ng pangguro. "Nais ko pong matupad ang pangarap niyang maging guro, gusto ko pong siya ang magturo sa akin kung paano magbasa at magsulat."
Tumatango-tango lamang ang aking ina habang nakangiti.
"Ito naman po si Kyle, paglaki niya, nais niya pong maging architect, gusto ko siyang kausapin na kung maaari siya na lamang ang magpaganda ng ating sira-sirang bahay 'pagkat hindi ko iyon kayang gawin." Mangiyak-ngiyak kong sabi at kasabay nito ay ang pagtingin ko sa aking paa.
"Siya naman po si Ben, nais niyang maging doktor, hinihiling ko na matupad iyon at sana magamot niya ang isang pilay na tulad ko."
Comentários