Gaya sa Pelikula, maikling kuwento patungkol sa sariling interes
Sa panahon ngayon, naglipana na ang iba't ibang klaseng mga vlogger. At aminin man sa hindi, tayong mga pinoy ay isa sa mga nahu-hook manuod sa bawat content ng mga paborito nating content creator.
Subalit sa hindi ko maintindihan, bakit kaya ang iba ay parang ginagawa na lang biro ang lahat. 'Yon bang tipong kumita lang sila, e hindi na baling may masagi o matapakan sila.
'Yong iba pa nga ginagawang pagkakitaan ang mga mahihirap na tao na mayroong lubos na pangangailangan. Vlogger din ako, kaya alam ko kung sino ang may mai-content lang.
Isang simpleng araw para sa akin. Wala munang vlog at video-video nang mapadaan ako sa isang eskinita. Doo'y nakita ko ang isang grupo ng mga vlogger na mayroong iniinterbyu. Sandali akong tumigil at palihim na paninanood kung ano ang kanilang ginagawa.
“Tay, narito po kami upang mag-abot ng tulong,” lahad ng host sabay rolyo ng kamera ng kamera man.
“Nako! Maraming salamat mga anak. Napapansin din pala ng iba ang mga tulad kong lubos na naghihirap. Kung hindi lang sana namatay sa sunog ang aking mag-iina siguro kahit papano ay may katuwang ako,” wika ni tatay.
“Tay, gusto n'yo po bang palitan na natin 'yong vase n'yo sa mesa? Papalitan po natin 'yan ng mas bago at mas maganda,” wika ng host habang itinuturo ang mesa kung saan ito naroon.
Kaagad nagpanting ang tainga ni tatay sa kaniyang narinig. “Mga hayop kayo! Lumayas kayo rito!” usal ni tatay.
“Tulong? Ganiyan ba ang tulong? Galawin n'yo nang lahat. Huwag lang ang abo ng asawa't mga anak ko.”
Comentários