Fresh Grad 101: Paghahanda sa paghahanap ng trabaho
Pagkatapos ng graduation sa College o Senior High School, inaasahang magsisimula ka agad maghanap ng trabaho na related sa kurso or strand na tinapos mo. Pero bago ka pumunta sa mga job fair, LinkedIn, Jobstreet at Kalibr, dapat handa ka sa iyong job hunting. Narito ang mga dapat mong ihanda bago pumasok sa buhay young professional:
1. Valid IDs
Habang ikaw ay estudyante pa, samantalahin na ang pagkakaroon ng mga Valid ID dahil mas kaunti ang requirements na hinihingi. Noong 2019, apat na buwan bago ang graduation, nagpagawa na ako ng passport. School ID, university registration card, birth certificate, payment at confirmed schedule lang ang kinailangan ko at mabilis ang naging proseso sa DFA. Pero kung mas kaunti ang iyong budget, pwede kang magpagawa ng ibang valid ID tulad ng BIR/ TIN ID na libre lamang. Maaari mong i-check ang bir website at alamin anong form ang dapat i-fill out. Ihanda ang birth certificate, school ID at registration card at pumunta sa pinakamalapit na Revenue District Office para ipasa ang form at magpagawa ng BIR ID.
2. Iba pang requirements
Bukod sa mga valid ID, may ibang dokumentong kailangan sa pag-a-apply tulad ang National Bureau of Investigation (NBI), Police at Barangay Clearance. Dahil ito ang unang beses mong mag-apply ng trabaho, sakop ka ng First time jobseekers act kung saan wala kang dapat bayaran sa pag-avail ng government documents. Kailangan mo lang kumuha ng Barangay Certificate na nagsasaad na ito ang una mong beses maghanap ng trabaho at residente ka ng iyong barangay sa loob ng anim na buwan. Sa pagkuha ng NBI clearance at Police Clearance, ito ang mga dapat gawin:
Mag-register sa NBI clearance website at Police clearance website
Matapos ang registration, pipili ka ng appointment schedule at branch kung saan ka pupunta sa parehong website. Siguraduhin nalista o na-screenshot mo ang iyong reference number.
Sa araw ng iyong appointment, dalhin ang kopya ng reference number, dalawang (2) valid ID, sariling ballpen at Barangay clearance para waived ang fee. Pumunta ng 15-30 minutong mas maaga sa iyong schedule para mas mabilis ang preseso.
3. School documents
Ilang buwan o linggo matapos ang iyong graduation, kunin agad ang original copy ng iyong Transcript of Record (TOR) at Diploma. Isa ito sa pinakaimportanteng dokumento na hinahanap ng mga employer. Gumawa ka na rin ng photocopies bilang paghahanda.
4. Resume o Curriculum Vitae
Ang resume o Curriculum Vitae (CV) ang unang hinahanap ng mga employer. Maraming templates available online para iyon na lang ang iyong sundin na format. Bukod sa professional looking ang resume o CV, pinakaimportanteng hindi ka magsinungaling sa mga ilalagay mo dito para hindi ka magkaroon ng mas malaking problema sa hinaharap.
5. Alamin ang gustong tahakin
Natural na malito sa gusto mong gawin pagkatapos ng graduation. Kung may privelage ka, magpahinga muna ng isang buwan o higit pa bago magsimula sa job hunting. Pero kung hindi ganoon ang iyong sitwasyon, pag-isipan mabuti ang magiging trabaho. Ihanda rin ang iyong sarili sa pagharap ng rejections at laging isipin na mas may maganda pang opurtunidad sa iba. Magtanong sa mga nakatatandang kapatid, pinsan, kaibigan o dating guro para alamin ang kanilang experience.
Ang iba sa’king batchmate, nasa trabahong hindi related sa kanilang kurso pero masaya sila ngayon dahil maayos na kompanya o boss na napuntahan nila. Ang iba, piniling magkaroon muna ng sariling pamilya at bumuo ng business. Freelancing naman ang ginagawa ng ilan. Ano man ang tatahakin mo sa iyong young professional journey, tandaan mo na hindi ito paunahan. Lagi mong pipiliian ang makapagbibigay sa’yo ng peace of mind at satisfaction habang kumukita para sa sarili o para sa pamilya.
Comments