Doble Kara, isang kwento ng nagpapakitang tao
Tirik ang araw pero ang nakakapasong init galing rito ay aking iniinda. Kahit walang sapin sa paa, patuloy na tinatahak ko ang mataong tabing kalsada nitong syudad habang pasan sa aking likod ang itim na sako.
Maya-maya ay tumigil ako dito sa tindahan na may babaeng nakaharap sa kaniyang gadyet. Siya siguro ang bantay.
Sinuri ko ang kaniyang itsura kahit nakatagilid siya sa akin at sa aking palagay ay estudyante pa rin ito.
Pero tanghaling tapat ah? Bakit wala 'to sa paaralan?
Kahit maingay ang lugar dahil sa walang katapusang pagdaan ng mga maiingay na mga sasakyan, sinubukan kong kausapin itong babae.
Kinalabit ko siya at pinukaw ang kaniyang atensiyon, "Ate."
Lumingon siya sa akin at hindi siya nagulat na aking ikinatuwa.
"Bakit po?"
Bumuntong hininga ako at nagsalita, "May tinapay at tubig ka po ba? Nagugutom na kasi ako."
Matapos kong sabihin 'yon, iniwas niya ang tingin sa akin. Sa aking isip, wari ko'y napagtanto niyang munting pulubi lamang ako na 'di niya gugustuhing paglaanan—
"Ito po oh, upo ka rin po dito. Kanina niyo pa po ako dapat tinawag kasi napansin ko kayo kanina," saad niya matapos ibigay sa akin ang isang tubig na nasa plastik at dalawang biskwit
Tinanggap ko ang mga ito ay naupo sa kaniyang tabi. Hindi ko inaasahan na bibigyan niya ako.
"Salamat ate. Wala ba kayong pasok sa paaralan niyo?" Tanong ko. Uminom ako ng tubig at pinakinggan ang sagot niya.
"Ah hindi," nakatutok siya sa kaniyang gadyet habang nagsasalita. "Tumigil ako sa pag-aaral eh. Alam mo na 'yun, hindi naman lahat kayang bayaran ang tuition fees. Kung mayaman lang kami, baka lawyer na ako now."
Tumango ako bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi, "Parehas pala tayo. Hindi rin ako makapagtapos. Ang masama nga lang, hindi sana ako ganito na palaboy kung hindi ako iniwan ng aking mga magulang," huminga ako nang malalim dahil nanubig na ang aking mga mata.
Akmang iimik pa ako nang may mainit na yakap akong natanggap mula sa kaniya. Ramdam ko ang kaniyang hikbi.
Dahil dito, mas bumigat ang aking pakiramdam.
Kahit namomoblema siya, siya pa rin ang magcocomfort sa kapwa niya?
Hindi ko na kaya 'to.
Yumakap ako pabalik habang hawak ang sako. Kinuha ko ang tsansa na ito para may hugutin sa sako at idikit ito sa tiyan ng kayakap ko.
Naramdaman kong tila nanigas siya sa pagkakayakap sa akin.
Bumulong ako, "Pasensya ka na. Nagsinungaling ako."
Napasinghap siya sa narinig at naramdaman ko ang lalong pagpatak ng luha niya sa aking butas butas na kamiseta.
"Ate, b-bakit?" Nanginginig niyang tanong nang kinuha ang bagay na hawak ko.
Napangiti ako.
"Tulong ko 'sayo 'yan. Magpatuloy ka sa iyong pag-aaral ha?"
At inalis ko ang aking disguise make-up sa mukha.
Namilog ang kaniyang mata at tumili, "HALA! IKAW PO 'YUNG ARTISTANG VLOGGER—"
Tinakpan ko agad ang kaniyang bibig.
"Shh ka lang."
Comments