Desaliento
Kwadradong dilim na silid; bilangguang may hinagpis,
imbakan ng mga luha at dalitáng tumatangis,
sandigan apat na pader agapay sa pagtitiis,
kurtinang kontra liwanag; hinawi ng hangin—nilihis.
Munting ibong sumisinsáy awiti'y pangtanggal hapis,
damdami'y liriko; sa papel isinulat ng lapis,
tigib na luha'y pinawi—pagdanak ng dugo'y talilìs,
malungkot na pagmumukha ngayo'y may ngiting bagong bihis.
Minsan nang nanganib buhay ng abang mutya,
sinagip ang sarili sa depresyong dulot ng kutya,
sa kulungan ng kalungkuta'y nakalaya,
agos ng buhay ay sinabayan; sa DIYOS nagpaubaya.
Comments