Chunsia's Eatery
Sa paglipas ng panahon, hindi na naging hadlang ang pagkakaiba-iba ng lahi ng bawat tao, lalong-lalo na sa mga bansang parte ng Asya.
Isa ang mga Pilipino sa kadalasang nakapag-aasawa ng mga banyaga, kaya hindi kataka-takang marami ng Pinoy ang may lahok o ibang lahi.
Isa si Chunsia, sa mga tinatawag na Tsinoy o pinaghalong Tsina at Pinoy. Kapansin-pansin ang kinis ng kaniyang balat at masingkit na mga mata. Subalit hindi pa rin maipagkakailang taktak pa rin sa kaniyang pagkatao ang pagiging pinoy, dahil sa bilugan at hindi kataasang ilong, na mas lalo pang nagpalutang sa kaniyang kagandahan.
Tulad ng mga Tsinoy, nakahiligan ni Chunsia ang pagkain ng mga ‘exotic food’, ganoon din ang pagkahilig niya sa pagnenegosyo.
“Chunsia, buti ka pa may mararating sa buhay, ang hilig mo kasi sa negosyo. Hindi malayong magiging successful ka pagdating ng panahon,” bigkas ng kaibigang si Tanya. “Siguro, nakuha mo 'yan sa'yong tatay.”
Ngiti lamang ang tangin naitugon ni Chunsia.
Naging mabilis ang pag-asenso ni Chunsia, mula sa kaniyang maliit na karindirya, mas lumago pa ito dahil sa patok ang kaniyang putaheng ‘exotic food’ sa mga tao.
“Chunsia, baka naman puwedeng pa-share ng recipe mo. Baka sakaling maanbunan din ako ng suwerte.” Pabiro subalit may lamang sambit ni Tanya.
“Bawal!” Maikling tugon ng kaibigan.
Dahil na rin sa kyoryosidad, palihim na pumuslit si Tanya sa kusina kung saan niluluto at inihahanda ang mga exotic food. Nagbabaka-sakaling makakuha ng kahit konting ideya.
Pagkarating niya sa kusina, tumambad sa kaniya ang napakagandang silid. Maluwang at malinis. Dahil sa mangha, tila naging turista si Tanya na palinga-linga sa loob ng kusina. Hanggang sa narating niya ang kadulu-duluhan at medyo madilim na parte. Doon ay tumambad sa kaniya ang samu't saring patay na hayop at nagsabit na ulo ng tao.
...
"Chunsia's Eatery" A fictional story about mixed cuisine and culture - a Young Pilipinas flash fiction by Ronjo Cayetano
Comments