Byahe sa Sementeryo
Tatlong taon na. Matagal-tagal na rin pala akong hindi nakauuwi ng probinsya mula nang ako ay nagkaroon ng trabaho. Nang sinulyapan ko ang paligid‚ marami ang nagbago sa aming lugar. Wala na rin akong alam sa kaganapan.
Sinadya ko talagang umuwi para bisitahin ang puntod ng aking nanay. Kahit pa Nobyembre 1 na ng gabi (9:00 p.m) at pagod pa ako‚ hindi ako nagpatinag na pumunta. Inihanda ko ang kandila at iba pang gamit.
Wala ng masyadong bumabyaheng sasakyan‚ buti na lamang nakasalubong ko sa high way sina tita Diane at tito Lando‚ dala ang kanilang lumang tricycle. Ngayon ko na lamang sila muli nakita. Sinabi kong magpapahatid ako sa sementeryo at tumango sila bilang tugon. Mukhang doon din naman kasi sila pupunta at may bibisitahin din sila. Si tito Lando ang nagdadrive‚ katabi niya naman sa labas si tita habang ako ay nasa loob at tahimik lamang.
Makitid ang daan. May malalaking puno sa gilid at halos walang liwanag. Nang nasa kalagitnaan na kami ng biyahe‚ may kakaiba akong naramdaman. Malamig. Napakalamig ng hangin na sumasalubong sa amin. Ngunit diretso lamang sa pagmamaneho si tito at si tita naman ay parang walang reaksyon. Ako lang ata ang nakapansin kaya binalewala ko na lang din.
“Ineng‚ nandito na tayo.” ang mahinang wika ni tito Lando.
Pagkababa namin sa tricycle‚ may iilang tao pa rin naman sa sementeryo. Binuksan ko ang flashlight ng aking selpon at tumungo agad sa puntod ng aking nanay. Sumusunod naman sa yapak ko sina tito at tita. Wala silang imik.
Nang magsisindi na sana ako ng kandila‚ napansin ko na may dalawang puntod sa katabi ng puntod ng aking ina.
Nakasulat:
“Diane Mendoza & Lando Mendoza”
Nang tignan ko sina tito at tita sa aking likuran‚ wala na silang ulo.
Commentaires