Bomba
Payapa naman ang paligid, asul na asul ang langit at masarap ang simoy ng hangin ngunit hindi maipinta ang iyong mukha. Nangangasim? Nasusuka? Nahihilo? O baka naman ay nayayamot ka dahil ikaw pa ang naisipan ng bruha mong nanay na mag-grocery.
Nang pumasok ka na sa mall ay halatang hindi ka na mapakali, lalaki ka naman pero ngayon, kumekendeng-kendeng ka. Kitang-kita rin na pilit na pilit ang ngiti mo. Mas lalong lumala noong kukunin mo na dapat ang diaper na pinapabili sa iyo ngunit bigla itong nalaglag, nagtaka tuloy ang mga tao. Hindi mo na pinulot bagkus ay dali-dali ka nang tumakbo. Parang nasa gera ka.
Kanan.
Kaliwa.
Sige, magmadali ka pa. May hinahanap ang iyong mata. Gegewang-gewang ka na pero nagpatuloy ka pa rin habang pinagpapawisan.
Gusto mo nang makamtam ang kapayapaan ngunit parang may digmaan sa iyong sistema, wala namang nagtatapon ng bomba ngunit may biglang sumabog sa p’wet mo. Hindi mo na talaga kaya, lalabas na. Buti na lamang ay may nakita kang bakanteng c.r sa mall. Wala nang patumpik-tumpik pa, ibinuhos mo na ang buo mong lakas upang ilabas ang lahat. At nang bubuhusan mo na sana ay wala kang nakitang gripo o tubig sa timba, paano mo ngayon huhugasan ang p’wet mo? Ngunit ang mas ikinabahala mo ay ang isang piraso ng papel na may sulat na presyo at nakalagay...
”Toilet for sale.“
...
Young Pilipinas Flash Fiction
Comments