Bayani
Sabi ng lola ko, dapat habang bata pa lang ay tinuturuan na agad kung paano mag-alaga ng kalikasan. Ito kasi ang nagbibigay ng proteksyon sa mga unos. Kaya nga bilib na bilib ako rito sa kaedad kong pitong taong gulang. Ngunit sa aming magkakalaro, siya ang pinakakakaiba. May kapangyarihan siyang taglay, siya ang pinakamahusay.
Lagi akong nakasilip sa siwang ng bintana upang pagmasdan siya — ang kaniyang mahiwagang taktika. Paano ba naman, nang masira ang bahay naming magkakaibigan, nanatiling matatag ang kaniya. Kaya itinuturing namin siyang bayani kapag may mga nakatatakot na nilalang na sumusugod sa bahay. Sa kaniya namin ipinapahawak ang kapalaran.
Mula umaga hanggang gabi, nag-aabala siyang magtanim ng mga halaman sa bakuran. Hindi nakapagtatakang ang bahay nila ay hindi pinapasok ng mga masasamang nilalang. Ngunit nang huling beses na masilip ko siya sa bintana ay kapansin-pansin na ang eyebags niya at kasabay nito ay pagsigaw ng mama niya...
“Puro ka plants vs. zombies! Puro selpon! ’Yung modyul mo, hindi pa tapos!”
...
Young Pilipinas Flash Fiction
Comments