Bakit Gusto Ko Maging Journalist
"Hala! Ano'ng chika? Bakit nagkagano'n? Sino ang sangkot?"
Chikadora — 'yan ang bansag sa akin ng mga tao sa t'wing ako ay nakikita nila. Ako nga rin daw ang reyna ng mga 'Marites' dahil always present sa mga isyu. Ang hindi nila alam, nagpapraktis na ako para maging journalist sa ilang mga dahilan.
Nainspire
Noong una, hindi ako interesado sa journalism ngunit nang mapanood ko sa telebisyon ang mga sikat na Journalist na sina Kara David, Jessica Sojo, Mel Tiangco at Mike Enriquez ay bigla akong nainspire. Nakamamangha kasi ang galing nila sa pag-uulat ng balita. Napabulong pa tuloy ako sa sarili ng...
"sa susunod, ako naman ang makikita sa tv."
Nahubog ang Pakikisalamuha
Mahiyain ako, 'introvert' ika nga nila. Pero sa kagustuhan kong makakalap ng impormasyon, parang may magic na dumaloy sa aking mga dila. Bigla akong naging madaldal at palatanong sa mga tao sa t'wing may nababalitaan akong kaganapan tulad ng aksidente, programa at iba pa. Nahubog ang aking pakikipagsalamuha at para bang hindi mapakali ang aking tainga kapag wala akong nakuhang datos.
Boses
Gusto kong ako ang magsilbing boses ng mga tao lalo na sa mga walang kakayahang magsalita. Sa panahon ng unos katulad ng bagyo, baha o landslide, malamang na marami ang maaapektuhan. Kung kaya't nais kong maiulat na may nangangailangan ng tulong upang mabigyan man lamang sila ng relief goods, mga damit at masisilungan. Ganoon din sa mga isyung panlipunan na dapat pagtuunan ng pansin. Gusto ko maging boses 'pagkat kung walang magsasalita, walang maririnig na hinaing.
Maglakbay
Mahilig ako mag-explore. Kapag ako ay naging journalist, maglalakbay ako sa iba't ibang lugar. Makasasalamuha ko kasi ang mga taong may iba't ibang kultura, tradisyon at paniniwala. Maririnig ko rin ang mga kuwento nila sa buhay — ito man ay malungkot, masaya, nakakatrauma o nakakakilig. At siyempre, hindi mawawala ang pagtikim sa mga pagkain tulad ng ginagawa ni Kara David sa seryeng "Pinas Sarap."
Maghatid ng Katotohanan
Uso ngayon ang 'fake news' mapa-social media man o sa personal. Kaya magsasaliksik ako nang maigi, mas lalo pang magiging mapag-obserba at pagbubutihin ang pagkuha ng datos para maging updated. Kapag nagsimula na akong tutukan ng kamera sa telebisyon, masisiguro kong ang balita ko ay purong katotohanan lamang.
Makilala
Ayokong sumikat dahil sa pisikal kong anyo o nakagawa ng kasalanan, gusto kong makilala ako sa larangan ng Journalism bilang isa sa pinakamagaling na Journalist. Kaya ngayon pa lamang nag-eensayo na ako. Gusto kong kapag nabasa o narinig nila ang aking pangalan, mapapasabi sila ng... "hindi ko akalaing malayo ang mararating niya."
Kung wala ang mga Journalist, walang maghahatid ng makatotohanang balita. Malulunod lamang tayo sa mga tsismis at hindi natin alam kung paniniwalaan ba natin ang mga impormasyong dumarating. Chikadora ako, kaya ikaw? Ano'ng chika mo?
Commentaires