Ang Tula Para sa Pagsisisi at Aral
Puso'y isang dyamante na may sariling kinang,
biyaya niyong Langit sa lahat ng nilalang,
at sa'ting mga tao ito'y baluti't sundang,
espesyal na regalo karagdagan sa kulang.
Ngunit 'pag nabahiran ng lamat ang isipan,
dungis ay malalantad taglay ang kasakiman,
maghahangad ng sobra hanggang sa kasukdulan,
mananahan sa dilim maging sa kasalanan.
Pamilya't kaibigan maaaring madamay,
sarili'y hindi ligtas sa ganti niyong Kamay,
sapagkat mayro'ng bawi—tinatawag ang buhay,
magtanim nang masama dilim ang siyang uuhay.
Dalisayin ngang wagas ang buong pagkatao,
kasakimang nagawa—'di pa huli't magbago,
aral ay laging nandyan, lumago at matuto,
masarap ang mabuhay kung patas yaring mundo.
Commenti