Ang Tula para sa Pagsindi ng Pag-asa
Ang gasera mo’y walang ningas‚ pundido ang isip‚
kung magbasa man o magsulat‚ tila naiinip.
Dilim ang bumabalot sa pangarap mong asam‚
paano nga maaabot kung kakarampot ang alam.
Tusukin ka nang kaunti’y bigla kang umaaray‚
kaya’t sa butas ng karayom‚ hari ka ng sablay.
Paano ka matututo kung umiiwas sa hirap?
Gawaing madali ay siyang tanging tinatanggap.
Sa walang kwentang usapin‚ aktibo ka’t matatag‚
at kung tawagin ng guro‚ dila mo’y duduwag-duwag.
May laan na oras sa pagsugal at pagsaya‚
ngunit sa diwa ng kaalaman‚ may pakialam ka ba?
Iyong pakatatandaan, edukasyon ang siyang susi,
upang kaalaman ay mabuksan, sa isip mo'y manatili.
Hindi maaagaw pagkat ito’y iyong teretoryo
na nakatanim at lumalago sa tanging isip mo.
Magbasa’t tumuklas‚ sumulat ka’t magturo‚
ibahagi sa iba’t magsilbi kang guro.
Itapon ang dilim‚ iahon ang liwanag‚
hayaang ito ang maging ilaw sa isip na bulag.
Comments