Ang Tula para sa Namatay na Kabutihan
Kung may hawak na suwerte ay masarap humalakhak‚
ang lantang kapalaran ay namumulaklak.
Ngunit kung magpapakalanunod sa samyo ng kadiliman‚
ay siyang magsisilang sa tinatawag na kasakiman.
Ang malinis na puti‚ mababahiran ng itim‚
lahat ng biyaya’y nanaising maangkin.
Hindi papasok sa isip kung makatatapak ng iba‚
ang makukuha ng sarili’y ang pinakamahalaga.
Ang inosenteng pusa’y magiging isang tigre‚
lahat ay susubukan‚ makuha lang nang libre.
Hindi tatablahan kahit barilin ng konsensya‚
lahat ay itataya kahit madamay ang pamilya.
Ngunit iyong pakatatandaan‚ lahat ng sobra ay masama‚
baka buhay mong taglay ay singilin Niya bigla.
Ang dulot ay delikado at malalagay ka sa alanganin‚
kaya ngayon pa lang‚ pagbabago ay isipin.
At kung namatay ang liwanag ng kabutihan‚
haplusin ka nawa ng reyalidad upang iyong malaman‚
na walang dulot na mabuti ang pananatili sa ganiyan‚
kaya’t huwag matakot bitawan ang kasakiman.
コメント