top of page
Writer's pictureNerelyn Fabro

Ang Tula para sa Direksyon ng Pag-ibig


Ang Tula para sa Direksyon ng Pag-ibig by Nerelyn Fabro

Kapag nakikita kita‚ ang naaalala ko ay ang hangin‚

marahil ay hindi ko nakita ang biglaan mong pagdating

ngunit nadama ko ang mainit mong haplos na nakapapanatag ng loob‚

at ang lambing ng ‘yong yakap ‘pag ako‘y nakatalikod.


Kapag kausap kita‚ ang naaalala ko ay isang tasa ng kape sa umaga‚

marahil ay mapakla ang buhay ko ngunit salamat at dumating ka.

Hihigupin ko ang huling patak ng ‘yong pagsinta ‘pagkat ganito ka pala magtimpla‚

hindi mapait dahil tama lang ang lasa.


Kapag nagkikuwentuhan tayo‚ ang naaalala ko ay ang ibon sa himpapawid‚

hindi mo ako pinipigilan na lumipad at mangarap kahit nakatali ako sa ‘yong pagmamahal. 

Malaya kong nalilibot ang langit‚

hindi nakasasakal.


Kapag nagkukulitan tayo‚ ang naaalala ko ay pelikula‚

ang mga nakakakilig na tagpo at tayo ang mga bida.

Minsan man ay dumadating sa kasukdulan at nagkakaalitan‚

sa huli ay pinipili nating magkasundo at ‘di dumating sa katapusan.


Kapag nagkakatitigan tayo‚ ang naaalala ko ay ang lugar na ating paborito‚

‘pagkat doon tayo nagkatagpo at ang damdamin ko’y nasalo.

At kahit saan ako tumingin‚ ikaw ang naaalala ko‚

dahil ang direksyon ng pag-ibig ko’y lagi lang naman sa’yo.

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page