Ang Tula ng Musikero kong Ama (A Poem of my Musician Father)
At kung sakaling lalayo ka na
sa haligi ng aking pagkalinga‚
ang huling hiling ko na lamang ay makinig ka
at sundan ang saliw ng isinulat kong kanta.
Pakinggan mo ang bawat liriko
kung paano kita inilarawan bilang aking mundo.
Suriin mo ang hagod ng mga linya
kung paanong ang pagkatao mo ay aking kinabisa.
Bago ka maglakad papalayo‚
hayaan mong ang melodiya natin ay magkasundo.
Sumabay ka sa ritmo‚ yakapin ang takbo
at sa huling pagkakataon‚ pag-isahin natin ang mga pulso.
Sa puntong ito‚ hindi kita pipigilan
kung ang bugso ng damdamin mo’y nais nang lumisan.
At bagamat hindi ko na mararamdaman ang iyong presensya‚
gugunitain ko na lamang ang ating mga alaala.
Baunin mo sana ang aking tinig — na naglalaman ng mga payo‚
at kahit limutin mo mang ako ang ama mo‚
hihilingin ko pa rin na ang buhay mo’y nasa tamang tono‚
‘pagkat dahil sa’yo‚ naging minsan akong musikero.
Comments