Ang Tula ng Kandilang May Dalít
Walang matagpuang bintana,
Mayroon bang munting pintuan?
Sarado ang bawat gilid,
Walang matanaw sa mga sulok
tamang humahakbang paabante
sa hindi malamang direksyon.
Paano nga ba malalaman ang paroroonan?
Kung tila ako'y nagugulumihanan.
Sa muling paghakbang ng mga paa,
nadapa bigla sa malubak na daan,
Luha'y unti-unting rumaragasang kay sagana,
habang may mapait na nalalasahan
dugo mula sa matinding pagkakasubsob
Impit na daing biglang namutawi
sa paligid na kanina'y parang sementeryo
at doon kumawala ang pag-ulyaw ng boses ng tangis.
Sa dahan-dahang pag-ahon sa pagkakadapa,
Muling tinawid ang mabatong ibabaw.
Dating mapanglaw ay nagkakaliwanag
mga pandama'y tiyak na lumalakas
lumilinaw ang mga iniiwang bakás
muwang sa mundo'y nakakamtan sa laya,
mula sa pagsubok ng karanasan
na gigising sa natutulog na kamalayan.
Comments