Ang Paglaya
Nilabas ang espada’t ang dugo’y tumalsik‚
’wag kikilos ng masama sa matang nanlilisik‚
kung ika’y magrereklamo, ’wag nang subukang umimik‚
sa kamay ng banyaga, lagim ay ihahasik.
Kunin mo itong tubig at kakarampot na tinapay‚
ito ay kakailanganin mo’t magdudugtong pa sa buhay‚
ang utos ng Espanya’y unawain mong tunay‚
sa kaunti mong mali baka maibaon ka sa hukay.
Ngunit ang hangin ay biglang nag-iba ang ihip‚
nang dumating mga bayaning hindi sa panaginip‚
ang historya’y waring isang kathang isip‚
nang ang bayang sinilangan ay nagawang masagip.
Dumanak ang dugo’t nagawang maging kampeon‚
ang mailigtas ang bayan ang tangi nilang misyon‚
makasaysayan ang mga bayani sa ginawa nilang aksyon‚
babaunin ang kontribusyon maging sa susunod na henerasyon.
Waring mga ibon na sa hawla ay nakalaya‚
hindi na muling magpapaapi ang sinisintang bansa‚
mas lalong naging magiting dahil sa buhay na tumaya‚
sabay-sabay nating iwagayway ang natatanging bandila.
Comments