Ang Pagkakatulad
Bakit lumuluha ang ulap?
May pumapatak na mga butil‚
may paghihinagpis na sangkap‚
walang sinong makapigil.
Bakit may bumabagsak na tubig?
Ang puti ay nagiging itim‚
mistulang naubusan ng pag-ibig
kaya’t ang damdami’y nagdidilim.
Bakit bumubuhos nang biglaan?
Sa tuwing ang tao’y sumasaya
o kaya’y may isinasampay na labahan‚
bigla-bigla siyang magdadrama.
Bakit lumuluha ang ulap? Ganito ang kaniyang turan‚
may bigat sa dibdib kaya’t mata’y binubuksan‚
hindi na kaya ng damdamin kaya’t bumabagsak‚
’di ba’t tulad din tayo ng ulap sa t’wing umiiyak?
Comentários