top of page

Ang Oras ng Pagtugtog

Writer's picture: Nerelyn FabroNerelyn Fabro


Ang buhok niya ay parang kurtinang nililipad kapag iniihipan ng hangin. Ang kutis niya’y kakulay ng labanos sa sobrang puti. Bagamat marami ang napaiibig sa maamo niyang mukha‚ inaayawan naman nila ang ugali ni Denia — pero hindi ako.

Gustong-gusto ko ang korte ng kaniyang noo kapag ito ay kumukunot. Ang sarap niyang pagmasdan kapag nagsusungit siya kahit sa maliit na bagay — kapag nabangga nang hindi sinasadya‚ kapag tinatawag ang kaniyang pangalan at wala siya sa mood.

Malutong siya kung magmura. Sadista rin‚ reklamador‚ palaaway at mataas ang tingin sa sarili pero roon ko mas lalong hinangaan si Denia.

Gustong-gusto ko siya. Kaya nang may pagkakataon na ako para lumapit sa kaniya‚ ’di ko na inaksaya ang oras. Sinuot ko ang kulay itim na paborito kong damit at sinama ko ang lima kong barkada — pinagsuot ko sila ng pormal na kasuotan. Nagbitbit na rin ako ng gitara. Manghaharana ako kahit hindi na uso.

Naglalakad si Denia sa kalsada noong makita namin‚ maraming sasakyan — may humaharurot na truck‚ may makupad na tricycle at may jeep na naghahanap pa ng pasahero. Nakabusangot ang mukha nito.

Oras na.

“Denia‚” tinawag ko ang kaniyang pangalan‚ sapat para marinig niya. Sa swerte ko’y lumingon naman siya. Tila hinahanap kung sino ang tumawag.

Oras na.

Kagyat kong pinatugtog ang aking gitara at tulad ng inaasahan ko‚ hahanapin niya rin kung saan nagmumula ang napakagandang musika. Unti-unti niyang hinakbang ang paa niya habang diretso lamang ang tingin.

At sa wakas‚ nagtagumpay ako. Nagtumpukan ang tao sa gitna ng kalsada‚ nakahandusay roon ang katawan ni Denia kung saan din ako tumugtog ng gitara. Nabangga ng truck‚ nakadapa at nakaluwa ang mata.

Mabuti’t pinakinggan niya ang harana ng kamatayan.

Oras na niya.

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page