top of page
Writer's pictureNerelyn Fabro

Ang Nag-iisang Palabas



Young Pilipinas Flash Fictions - A flash fiction about love that slowly fades
A flash fiction about love that slowly fades

Halos araw-araw kong pinapanood ang nag-iisang palabas. Walang palya. Sa isang buong maghapon‚ napapanood ko ito ng tatlo hanggang limang beses. Para na nga itong sirang plaka sa loob ng aming tahanan e. Umaalingawngaw. Saulado ko na rin ang itatapon na linya ng aktor sa aktres pati ang kanilang galaw at kilos kung saan papunta. Ang talas naman ng memorya ko.

Nang mga unang linggo na napanood ko ito‚ gabi-gabing tumutulo ang luha ko. Nababasa ang mga unan habang nakatalukbong ng kumot. Nakakadala kasi ang bawat eksena. Pero nang tumagal-tagal‚ medyo nasasanay na rin ako. Haha. Nakatatawa.

Paborito ko ba ito? Hindi. Sadyang wala lang akong ibang pagpipilian na palabas. Wala naman kasing ‘remote’ para rito.

“Ate‚ ate‚” ang pagkalabit sa akin ng aming bunso.

O’siya, umiiyak na ang mga kapatid ko. Tinigil ko na ang pagsilip sa siwang ng aming pader‚ ibinaba ang kurtina. Sana matigil na ang pag-away nina mama at papa. Nawawala na siguro ang pag-ibig sa kanilang dalawa. Kailan kaya magwawakas ang palabas?

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page