Ang Misteryo sa Bukal
Taong 2040 nang mag-umpisa ang krisis sa tubig sa buong mundo dulot ng hindi tamang paggamit at pagsasayang ng tao rito. Halos wala nang makuhang malinis na tubig kahit sa pinaka tagong lugar at kabundukan. Kontaminado na ng mga nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Naging agresibo na rin ang mga tao dahil sa pag-aagawan sa mga bukal kung saan doon lamang nakakukuha ng tubig na maaring inumin at gamitin sa pagluluto.
Habang labis ang paghihirap ng iba, ang ilang may ari naman ng lupain kung saan naroon ang bukal ay pinairal ang pagkagahaman. Ang galon ng tubig ay halos ginto na ang halaga. Wala namang magawa ang taong bayan kundi ang bumili. Marami ang natutong magnakaw, manira at pumatay dahil na rin sa pagkagipit.
“Magsilayas kayo! Huwag na huwag kayong kukuha ng tubig kung walang kayong maibabayad,” sigaw ng matapobreng may ari ng bukal.
“Balang araw pagsisisihan mo ang kadamutan mo. Hindi lang tubig ang mawawala sa'yo,” bulong ni Kasyo, ang isa sa mga nakapila at nagbabakasaling makahihingi ng kahit pang-inom lang.
Makalipas ang ilaw araw, naging bukas na para sa lahat ang bukal. Kinatuwaan nila ito lalo na at libre. Ang ipinagtataka ng marami, hindi nagpapakita ang may ari ng bukal.
Dahil na rin sa pagtataka, tinungo ng ilan ang bahay ng may ari. Dahan-dahan nilang sinilip ang loob ng bahay mula sa siwang sa pintuan.
Biglang nanlaki ang mga mata nila. Ang may ari ng bahay, nakatali sa upuan habang may straw sa leeg at sinisipsip ni Kasyo.
Comments