Ang Masayang Pasko
Maingay na ang pampaskong musika sa aming bahay. Umiilaw-ilaw na rin ang christmas lights. May nangangaroling pa nga e. Kahit hindi pa bagong taon‚ kaliwa’t kanan na ang paputok ng mga bata at matanda. At bilang isang ina‚ masayang-masaya ako dahil kompleto pa rin ang aking pamilya ngayong kapaskuhan.
Dalawa lamang ang aking anak. Nakaupo kami ngayon sa hapagkainan at kumakain ng masasarap na pagkain na niluto ng aking gwapong asawa. Wala talagang kupas ang luto niya‚ kahit tignan ko lang‚ alam kong swabe ang lasa nito.
Habang kumakain ng spaghetti at malamig na salad‚ napansin ko ring wala pa ring pinagbago ang ganda at kutis ng panganay kong anak na si Kiah. At ang bunso naman na si Josh‚ anim na taon‚ ay ganoon pa rin kadaldal. Tumutunog ang tawanan sa loob ng aming tahanan.
“Papa‚ papa‚ picture naman po tayo para may remembrance ngayong pasko.” ang makulit na pangyayaya ni Josh.
“Sige‚ anak.”
“1... 2... 3... smile!” masayang wika ni Kiah habang pinindot ang button sa kamera.
Nang tinignan namin ang litrato‚ nagkatinginan ang aking asawa at dalawang anak. Nanlaki ang mga mata nila nang makita ako sa litrato — nakaputi‚ nakasimangot at lumulutang.
コメント