Ang Kapalit
Maayos na buhay ang hinahangad,
ngunit sa ilalim ng tirik na araw ay babad,
kakatrabaho para sa pamilyang dayukdók,
na 'di pa mapapakain ng kinita sa matinding pagsubok.
Sinubok ng matindi ang kaisipang malinis,
pinakitaan ng salaping sobra pa sa labis,
para kumapit sa patalim tuwing madilim,
at itago ang lahat bilang lihim.
Kinain ang sistema ng konsensiya,
'di maibabalik sa lahat sa pamamagitan ng pasensiya,
nais na bumalik sa tuwid na daan,
at magpatuloy sa hirap kahit ang kita ay 'san daan.
Ilang sandali bago matawid ang tulay na kay tuwid,
binitawan ang patalim para tapusin ang balakid,
ngunit isa pala itong daan patungo sa hantungan.
sapagkat 'di na maibalik ang salapi ng kasamaan.
Bình luận