Ang Drawing ni Beverly
Binilhan ko siya ng maraming lapis‚ mga krayola at drawing book. Gustong-gusto kasi ng anak kong si Beverly ang gumuhit kahit apat na taong gulang pa lamang siya. Nakatutuwa nga dahil kahit iwanan ko siyang mag-isa sa kuwarto ay hindi siya umiiyak gaya ng ibang bata.
Ang karaniwang iginuguhit niya ay mga karakter na barbie na napanonood niya sa telebisyon. Kinukulayan niya ito gamit ang krayola. May mahahabang buhok at makukulay na damit‚ napakaganda ng sining ng aking anak.
Gabi na. Oras na para kumain. At nang puntahan ko ang aking anak sa kaniyang kuwarto ay gumuguhit pa rin siya nang gumuguhit ngunit hindi na sa binili kong papel.
“Beverly‚ bakit naman diyan ka nagd-drawing sa pader natin?”
Pero hindi nakikinig sa akin si Beverly. Hawak ang lapis ay ipinapaikot-ikot niya ang kaniyang kamay at gumuguhit ito ng hindi malamang drawing sa pader.
“Anak‚ itigil mo na ’yan kakain na tayo.” pagpupumilit kong sabi dahil ’di pa rin siya tumitigil at lalapitan ko na sana siya.
“Mama? Sinong kausap mo riyan? Umihi lang po ako saglit. Tignan mo po itong barbie na ginuhit ko.”
At bigla akong namutla.
...
Comments