Ang Demonstrasyon
Halos tatlong araw na siyang walang kaimik-imik‚ hindi tulad ng ibang bata sa bahay-ampunan — nag-iingay‚ nagkukuwentuhan at naglalaro. Nakaupo lamang siya palagi sa isang sulok at nakatulala. Kaunti lamang din ang kinakain niyang pagkain.
Lunes nang dumating si Rhea. Nang pumunta siya rito’y hawak-hawak siya ng madre sa kaniyang dalawang balikat. Walang makikitang ngiti sa kaniyang mukha‚ blangko ito. Ni hindi rin siya kumibo nang salubungin siya ng mga kaedad niyang bata.
Walong taong gulang na siya pero maliit at payat ang pangangatawan. Puno rin ng galis at pasa ang kaniyang balat. Paano siya natagpuan? Gabi noon at natutulog si Rhea sa harap ng gate sa may paaralan‚ nakita siya ng madre at nagdesisyong kunin na lamang ito dahil sa awa — karton lamang kasi ang hinihigaan niya at nilalamok.
At isang araw‚ bumungad sa bahay-ampunan ang nasa sampung tao mula sa simbahan. Sa loob ng van na sinasakyan ay mayroong mga laruan at pagkain na ipinamigay sa mga bata. Ngunit katulad ng inaasahan‚ hindi kumain si Rhea bagkus ay napukaw ang atensyon niya sa isang malaking manika.
Natuwa ang mga madre nang makita iyon dahil ’yon ang unang beses na nakitaan siya ng interes at emosyon. Habang kumakain ng lugaw ang mga bata‚ si Rhea ay tumungo sa kaniyang kwarto. Hinayaan na lamang ito ng mga madre dahil nakita naman nilang mukhang masaya siya. Ngunit natigil ang kanilang iniisip nang may naririnig silang ingay sa kwarto ni Rhea.
Sinasakal. Tinatadyakan. Sinisipa-sipa. Sinasabunutan.
“Rhea, ano ang ginagawa mo?” gulat na tanong ng madre habang inaawat siya sa ginagawa sa manika.
“Ginagaya ko lang po kung ano ang ginagawa sa akin ni mama.”
留言