top of page
  • Writer's pictureNerelyn Fabro

Always be my Baby - Isang tula ng hindi nasukliang pagmamahal


Always be my Baby - Isang tula ng hindi nasukliang pagmamahal Nerelyn Fabro

Tinatali ko ang ‘yong sintas kapag ito’y lumapat na sa lupa‚

hinahagod ang ‘yong buhok kapag humaharang sa ‘yong mukha‚

kinukurot ko ang ‘yong pisngi dahil nakagigigil sa taba‚

at mas lalo kitang aasarin kapag tumitig ka nang masama. 


Binibilhan kita ng sorbetes kapag gusto mo ng matamis‚

babiyahe ako ng malayo dahil lagi kitang namimiss‚

‘di kita matiis kaya hindi ako nagsasawang manuyo‚

kapag ika’y nagugutom‚ ako ang nagluluto.


Sinusulat ko ang pangalan mo sa pinong mga buhangin‚

nag-iimbento ako ng himig upang ika’y haranahin‚

napangingiti ako kapag ikaw ang naiisip‚

at kahit sa pagtulog ko‚ bumubuo ka sa panaginip.


Ngunit masakit din palang sampalin ng katotohanan‚

sa kabila ng binuhos ko sa mga laban

ay nagawa mo akong saktan

at walang paalam kang lumisan.


Ginawa ko ang lahat ng paraan upang ika’y manatili‚

ngunit sa huli‚ hindi pa rin ako ang ‘yong pinili.

Pinapangarap kita kahit ninais mo ay kalayaan‚

ngunit mamahalin pa rin kita kahit hindi mo sinuklian.

Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
Young Filipino's best stories written through poetry, flash fictions, and listicles in Young Pilipinas
YoungPilipinas.com
bottom of page