Ako Si Mang Kanor
"Uy, si Mang Kanor! Bigyan niyo bilis."
Sumilay ang munting ngiti sa aking namumutla na mga labi nang marinig ko ang linyang 'yon. Kasabay nito ay ang mga pagyanig ng lupa nang may mga mabibigay na yabag ang patakbong papalit sa aking direksyon.
Inayos ko ang aking itim na salamin at tumindig mula sa pagkakalupagi sa daan. Dumiretso ang aking tingin sa mga taong nasa aking harapan. Pinanood ko kung paano sila naglabas ng mga ubeng papel.
Dahan-dahan kong ini-angat ang aking kamay na may kapit na maliit na latang halos sarado na ang butas dahil sa sobrang pagkayupi. Matapos nito ay dumapo ang mga mata ko sa mga kamay nilang dali-daling naglagay ng perang hinugot mula sa kanilang bulsa papunta sa aking munting latang lalagyanan.
Kasabay nito ay ang pagtapik nila sa aking balikat at sinabing, "Mag-ingat ka Mang Kanor, ito muna maibibigay namin. Kapag may malaki na kaming pera ay pagagamutin namin ang mga mata mong bulag."
Sa aking kalooban, nagagalak ako sapagkat uuwi nanaman akong may pangkain kami ng pamilya kong naghihirap.
Pero nawawasák ang aking puso habang pinagmamasdan ang mga taong masayang naglalakad palayo sa akin.
"Masama ang magpanggap na may kapansanan pero paano kung dito ko mabubuhay ang aking pamilya?" biglang tanong ko sa aking sarili.
Ang hirap maging tunay sa sitwasyong pagpapanggap ang magiging kasagutan.
...
Ako Si Mang Kanor - A piece depicting a moral dilemma situation. Written by Colin Cris Celestial
Comentarios