Ako Ang Paksa Ko
Ako'y kapós sa kaalaman at pagkilala sa 'king mismong sarili,
na 'di mawaring lubusan kung talaga nga bang kilala ko pa ito o sadyang may nagbago,
kinabig ang sandaling hindi mabago ang direksyon,
nang may pagpilit sa pag-alam para sa katahimikan.
Obra'y 'di na magagawa pang ma-isumite't maibahagi,
kung mismong sariling katauhan ang gagawing nilalaman,
akda'y ibabasura sa lamang huling lapat ng pluma,
na para lang ba itong bula na sa isang lingat ay 'di na mahahagilap.
Yinari ang kaisipang nayayamót sa paksa niring nakakatulala,
sagwil yaong salungát ng damdaming nakukulangan,
iisipin ang sarili habang pasiyók na nag-uusap ang kaisipan,
ang sarili ko nga ba'y mahirap gawan ng piyesa na para bang pag-abot ng tala?
Orihinal, totoo, at palaisipang tunay ang nilalaman,
lumalawig ang pagkakagulo ng isipang handa nang iwanan iring akdang—
puspós ng sariling katanungan tungkol sa sariling naging paksa,
nuynuyin nawa yaring obra bago tuluyang ipamalas ang pahimakas nitong aking tula.
-- a poem by Colin Cris Celestial
Colin Cris Celestial is an 18-year old writer from Talipan, Pagbilao, Quezon Province.
Comments