Ikaw
Nag-iisip nang malalim, nakatutok sa mesa,
kasama ang liwanag na mula sa gasera,
nagsimulang magtagpi ng pirasong letra,
sa plumang hawak-hawak — nabuo ka.
Ikaw ang naging tambayan ng malilikot na isip —
ng mga emosyon na sing lalim ng panaginip,
para bang droga na kapag sinubukan ay nakaaadik,
kahit anong edad ang tamaan, paniguradong hahalik.
Ikaw ang tahanan ng mga matang ayaw tumahan —
ng mga labi na takot magsalita't baka 'di mapakinggan,
ang hinaing ng damdamin ay sa 'yo dinadaan,
kung tunay ka lamang na tao, mahigpit kang hahagkan.
Ikaw ang kumakalabit sa romantikong momento —
paraan para ipahayag ang damdaming namumuo.
Ikaw ang tagapagpaliwanag sa isipang magulo —
ng mga salitang 'di masabi sa tao.
Bagamat ang tirahan mo'y papel na sinulatan,
diwa mo'y naglalakbay sa puso't isipan.
Sa pluma kong hawak nagkaroon ka ng buhay,
binuhay mo rin ang interes ng tao't binigyan ng kulay.
Binubuo ka ng mga letra at naging salita,
nilagyan ng kolorete't nagkaroon ng tugma,
naglalaro ng isip ang taglay mong talinhaga,
ikaw ang aking tinutukoy, tatawagin kita sa pangalan na TULA.
...
Young Pilipinas Poetry
Comments